Medyo matagal din ako hindi nakapagsulat dahil ako ay may mga bagay na dapat paglaanan ng panahon na dapat laging nagiisa. Salamat na din sa pamangkin ko na siyang tulay upang mapamahagi ko dito ang pinapayagan na maipamahagi na kaalaman ukol sa ating sekretong kultura.
Ang susunod ko na topic ay galing pa rin sa Arma. Nang ito ay aking sinusuri ay napansin ko na may kulang sa pahina nito. Halata naman dahil kita na may pinilas na dalawang pahina. Ang natira lang ay ang instruksyon na "Orasyon Kontra Lilas". Pamilyar sa akin ang pangalan ni Lilas dahil ang kwento ni Lilas ay ilang ulit din nabanggit at pinagdebatehan ng aming nakatatanda(kabilang na ang nagsalin sa akin) noong araw. Pinuntahan ko ang aking pinsan na ang ina ay siyang may-ari ng orihinal na Orasyones Rotundus na ginagamit pa rin ng aking pinsan hanggang ngayon. Siya ang nakakasama ko noong araw sa mga pagtuturo na ginagawa ng aming mga matatanda, at kahit siya ay naaalala ang kwento ni Lilas. Ang iba't ibang kwento ay ganito:
I.
"Si LILAS ay ang UNANG asawa ni ADAN. Siya ay ginawa mula rin sa pinagmulan ni Adan at tinuturing na kapareho niya. Ang dalawa ay naging magkakompentensya sa estado at maging sa pakikipagtalik. Nagrebelde si Lilas at inabandona si Adan, at saka lamang ginawa ng Diyos si Eba. Si Lilas ay sinumpa si Adan at Eba at hindi lumaon ay nilamon ng kasamaan si Lilas at naging demonyo."
II.
"Si LILAS ay nagmula rin sa Langit at binigay ng Diyos kay Adan upang kanyang makasama, si Lilas ay walang bahid ng dugong tao (hindi niliwanag kung siya ba ay isang anghel, pero ang pagkakatanda namin ay kasama siya ng mga ibang anghel na pinalayas mula sa Langit) ngunit katulad ni Luzbel, si Lilas ay mapagmataas rin. Hindi siya sang ayon sa pagiging pantay ng tao at ng kanyang estado(kung ano man iyong estado na tinutukoy noon ay hindi malinaw) kaya ito ay nagrebelde. Lumayas si Lilas sa paraiso at saka ibinigay ng Diyos si Eba kay Adan."
- Katulad ng naunang kuwento ay tuluyang umanib si Lilas kay Luzbel. At ang nakakagulat sa kwento ay ang paniwala na nagkaanak si Lilas at Adan bago pa man ito umalis sa paraiso. At ang ang naging anak DAW nila ay si CAIN. Na siya raw eksplanasyon kung bakit nagawa ni Cain na patayin ang kapatid nito na si Abel -- dahil na rin si Cain ay hindi buong tao, kundi may bahid na ng natural na kasamaan mula sa kanyang ina na si Lilas.
III.
"Nang ginawa ng Diyos si Adan ay hindi nagustuhan ng Diyos na nagiisa si Adan sa Lupa, samakatuwid ay gumawa rin ang Diyos ng Babae mula rin sa pinagmulan ni Adan at tinawag siya na Lilas. Pero ang dalawa ay nagkatunggali sa estado, ang sabi ni Adan 'ikaw ay ginawa para sa aking kaligayahan kaya ikaw ay susunod sa akin.' ang sabi naman ni Lilas ay 'tayo ay lubos na magkaparehas lamang dahil tayo ay nagmula sa iisang lupa. Kaya ako ay hindi dapat sumunod sa iyo.' Ngunit tumanggi si Adan at hindi ito nagustuhan ni Lilas. At kahit malaking pinagbabawal sa kanila ay inusal ni Lilas ang kabanal-banalang pangalan ng Diyos at lumipad at tumakas palabas ng paraiso.
Tinawag ni Adan ang Diyos at sinabing 'Diyos ng sanlibutan! Ang babaeng ibinigay mo sa akin ay inabandona ako.' Dininig ng Diyos ang tawag ni Adan at nagpadala ng tatlong Anghel upang hanapin at pabalikin si Lilas kay Adan. Sabi ng Diyos 'Kung siya ay babalik ay hindi ko siya parurusuhan, kapag siya ay tumanggi ay iwan niyo siya ng mapayapa, ngunit iwan ng sumpa na lahat ng kanyang anak ay mamamatay sa bawat araw na lilipas.'
Nagpunta ang tatlong anghel kay Lilas na nagtatago sa gitna ng dagat. Hinatid nila ang mensahe ng Diyos ngunit tumanggi ito kaya nagbanta ang tatlong anghel na siya ay lulunurin sa dagat kapag hindi siya sumama pabalik kay Adan. At sabi ni Lilas 'bitawan niyo ako! Ako ay sinumpa samakatuwid ako ay ginawa upang saktan at patayin ang mga sanggol! Dinggin niyo ako at tandaan na ang aking kapangyarihan sa mga lalaking sanggol ay tatagal ng walong araw at sa mga babaeng sanggol naman ay dalawampu, pagkatapos na pagkatapos nila ipanganak!' ''
to be continued...
Friday, January 23, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)