Dalawang taon na din ng una akong sumulat rito na noong nagsisimula pa lamang ako ay dinidikta ko lamang kung ano ang dapat isulat sa site na ito.
Mula noon ay marami na din beses na nakatanggap ako ng mga negatibong komento ukol sa hindi ko buong paghayag ng aking mga sinusulat o kaya naman sa nilalaman nito. At mas marami rin ang galit sa aking pagiging mapili sa mga tao na aking hayag na binabahagian ng aking karunungan. Marami rin ang nalilito kung ako ba ay nasa liwanag o nasa kadiliman.
Sa totoo lang ay talagang napakahirap na ipaunawa sa tao na tinuturing lamang ang ganitong karunungan upang isang panandaliang "libangan" lamang. May mga magsasabi na "Gusto ko matutunan ang ating lihim na kultura upang magamit na rin ito sa ikabubuti ng aking kapwa" ngunit sa dulo ng kanilang mga mensahe ay ito naman ang sasabihin -- "dahil nagbreak kami ng girlfriend ko", "mahina ang business ko ngayon", "lagi ako inaaway ng mga ka-klase ko", "tsismosa ang kapitbahay namin", o kaya naman ay "ninakawan ako ng kabit ko". Mayroon naman na labis ang pagiging interesado sa lihim na karunungan ngunit makalipas ang ilang linggo ay nagsasawa na rin at tinatalikuran na ang debosyon at pangako sa sarili na matutunan ang karunungan na ito.
HINDI ka maaaring maging estudyante ng lihim na karunungan kung iilan lamang ang nais mong matutunan mula rito. At hindi ba sapat na ikaw ay turuan o bahagian ng karunungan na siya mong magagamit sa spesipiko at pansarili mong kagustuhan? Dahil hindi mo puwede sabihing "gusto ko makakuha ng sarili kong engkanto na magtuturo sa akin ng lihim ng mundo" kung ang nais mo lamang talaga ay ang ibalik ang relo na ninakaw ng kapitbahay ninyo. HINDI PUWEDE.
Aaminin ko na mismo sa inyo na kapag ikaw ay pinamanahan o kukuha ng isang tagapagturo ay hindi ka parang binigyan ng alila na gagawin lahat para sa iyo. Dahil ang totoo ay magkakaroon ng pagkakataon na kayo ang mas maraming gagawin para sa kanila. Marami ang pagkakataon na ikaw ay kanilang uutusan. Uutusan para gumising ng umaga at kumuha ng ganito at ng ganyan. Gumising ng hating gabi upang pumunta dito o kung saan man. Huwag matulog hangga't hindi naisusulat lahat ang kanilang mga orasyon. Huwag hihinto hangga't hindi nahahanap ang isang medalyon. Huwag titigil hangga't hindi nagagamot ang ganitong bilang ng tao. Kulamin ang tao dahil ang taong eto ay tinawanan ka. Kulamin ang kapatid mo para mas lumakas ka. Orasyonan at patayin ang Baka ng kapitbahay mo para "ma-testing" mo ang bisa nito. Napakalaki nga "nila" ring tulong sa buhay mo kung nandiyan "sila" para sa iyo dahil magagawa mo ang mga bagay na hindi naaayon sa realidad, pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay nandiyan sila para pagsilbihan ka. Kaya huwag kayo magagalit sa kung sinomang Manggagamot o Mangkukulam man kung "pili" lamang ang natuturuan upang malaman ang karunungan ukol dito, dahil hindi lahat ng bagay ay dapat unawain at intindihin. Hindi lahat ng bagay ay tinakda para sa iyo. Huwag padadala sa curiousity dahil ang mga engkantong iyan kapag inattach mo na sa sarili mo ay kapag nandiyan na sila ay nandiyan na yang mga yan, depende lang kung kayo ay binigyan lamang ng misyon dahil maaari kayo bumalik sa dati niyong buhay pagkatapos ng inyong misyon sa kanila(at mabilis ang inyong magiging pagtanda pagkatapos ng misyon).
Huwag kayo magreklamo kung hindi purong hayag ang binibigay sa inyo dahil kung para sa inyo talaga iyan ay magisa ninyo ito matutuklasan. Hindi pagdadamot ang ginagawa sa paghahayag nito dahil kung mayroon bahid ng pagdadamot ay ang buong ideya ng pagsusulat nito ay hindi na sana nangyari.
AKO rin ay hindi nagmamala-anghel at hindi rin ako sa demonyo. Wala ako sa ilalim ng mga kamay ng hari ng impyerno. Ako ay pantay sa dalawang karunungan. May mga tao na nagaakusa na "demonyo iyan kasi sinumpa niya si ganito" pero maging si Propeta Elijah man ay gumamit din ng lihim na karunungan upang puksain ang tao na nang-"insulto" sa kanya. Hindi ako impokrito, humingi ka ng tulong at tutulungan kita kung aking kaya at insultuhin o saktan mo ako at ikaw ay tuturuan ko ng leksyon. Balanse ang aking estado sa lihim na karunungan. Kung magkakaroon siguro ako ng motto ay ito:
"I CURE THE SICK, AND I HURT THE MEAN".
At makailang ulit ko na sasabihin. Kung ayaw niyo sa sinusulat ko ay magsilayas kayo at huwag niyo basahin ang anuman na nasusulat dito. Halata naman na ang iba ay masasabi na "inggit" sa karunungan ng iba. Kaya Benedictionem sa madali umintindi at Maledictus sa mahirap umunawa at matatalas ang dila.