Sinimulan ko na ang pagaaral at pagsusuri sa natagpuan ko. Pero hanggang sa ngayon ay bumibigat pa rin ang pakiramdam ko kapag hawak ko ang libro na ito. Ang mga unang tanong sa isip ko ay ano ba ang libro na ito, sino ang pinapatukuyan at ano ba ang ibig sabihin ng
El Arma de Moshe Filii de Amram: Podoroso Sagrado Vocales.
Kung maaari lamang ay madaliin na at pagbubuklatin na lamang ang libro, pero narinig ko na ang isang paniniwala na kapag bara bara na binasa ang mga lihim na libro ay hindi mo ito matitigilan na basahin. Paulit ulit mo ito bubuklatin at babasahin ngunit wala naman pumapasok sa iyong isipan at walang maiintindihan. Kaya nagdecide na lamang ako na isa-isahin ang nilalaman nito. Kumuha ako ng notebook at dun sinimulan isulat ang aking natutuklasan at naiintindihan.
Sa pagtuklas ko sa libro na ito ay ibabahagi ko ang dapat lamang ibahagi. Kung mayroon man nakakaalam na tungkol sa libro na ito ay hindi ako mahihiya na itanong kung ano at para saan ba ito. Kung puwede sana ilagay ang mga larawan ng bawat pahina kagaya ng ginagawa ni Ka Tikbalang ay mas maganda ngunit sa ngayon ay hindi muna siguro maaari.
At pinagiingatan ko rin na ibuka ang aking bibig kapag binabasa ang mga kasulutan sa libro na ito. Mas mabuti na ang safe.
*******
Pagbuklat ng libro ay ang unang makikita ay ito
"
+++
IN NOMINA
DE
SANCTUS ET OMNIPONTENTES
DEUS
EL ARMA DE MOSHE FILII DE AMRAM
PODOROSO SAGRADO VOCALES
+++
"
Sa mga kasunod na pahina ay masasabi ko na ang mga nakasulat ay testamento sa pagpupuri sa kapangyarihan ng Dios Ama, testamento ng Misteryo, Lihim na kapangyarihan, Kaluwalhatian at Lakas ng "ARMA", testamento ng pagiging masunurin "nila" sa "kanya"(Sinong nila at sinong kanya?), at mga testamento pa ng pagpupugay sa kapangyarihan ng Dios Ama na utusan "sila"(?) na sundin ang mga mortal na gagamit ng "ARMA".
Madami pa ang nakasulat na matatawag ko na testamento na ang iba ay may basag at shortcut pa ng mga lihim na pangalan pero ang nakatawag sa aking pansin ay ang testamento na "...at kapag siya ay iyong tatawagin ay siya ay aakap sa iyo at pasusunurin niya ang limang prinsipales at kanilang caruajes, at ang mga kalihim at ministro na nakapailalim sa kanila, na umanib sa iyo, katulad ng paguutos niya sa pag anib at pagsunod nila kay MOSHE anak ni AMRAM... "
- Si MOSHE ay panigurado ang siyang tinutukoy na "kanya" at siyang pinagtutungkulan ng libro na ito. Pero sino ang tinutukoy na "sila"? Iyan ang aalamin ko at pilit na iintindihin.
*******
Sa pagpapatuloy ko sa pagbasa at pagintindi sa kasulatan ay natuklasan ko sa isang pahina kung sino si MOSHE. Ang pahina ay mayroon mga disenyo sa gilid na para bang nilagyan ng "border" at malamang ay dinagdag lang dahil halata na guhit kamay lamang ito, at sa gitna ng pahina na ito ay eto(hindi muna maaari ibunyag ang lahat ng kasulatan):
"
+++
Pakikipagusap ni Moshe sa Dios Ama sa Bundok ng Sinai
MAYS AFFABY ZIEN JARAMYE YEE.........
DAMAA YRSANO ...... LOYFOO LHAYYLY
YRE EYLVI ........ LYELEE LOATE........
LIDEFOY EYFOY........RAMEETY RYBITAASA......
SCIBIU RITE.......VETE EDE..........
RABABE CANOCANUBEC......
+++
"
- At sino pa nga ba ang nakipagusap sa bundok ng "SINAI" kundi walang iba kundi ang Propetang si MOSES. Pero bakit kaya MOSHE pa ang pinangalan sa kanya sa libro at hindi na lamang MOSES?
Pero ang importante ay natuklasan ko na nga kung kanino pinapatungkol ang libro. Ngunit para saan nga ba ang libro? Ano ang gamit ng ARMA? At ano ang PODOROSO SAGRADO VOCALES? At kaya naman siguro nilagyan pa ng mga disenyo ang pahina dahil na rin sa sadyang napakahalaga nga naman ang pakikipagusap ng Banal na si Moshe sa Dios Ama.
Pero hindi kailangan madaliin ang libro kaya sasagutin ang mga tanong na yan sa susunod na pagsusuri.